Alamat ng Bulkang Taal
Ayon sa sali’t-saling sabi ng matatanda, ang mga bayan at lalawigan sa Gitnang Luson, ay nahahati ng mga ilog at magubat na kabundukan. Bawa’t bayan naman ay pinamumunuan ng isang makapangyarihang lalaki na iginagalang at sinusunod ng lahat nasasakupan. Sa bayan ng Tagaytay ay may makapangyarihang matanda, na kung tawagin ng lahat ay si Lakan-Taal. Ang matandang ito ay siyang sinusunod ng mga tao, palibhasa’y mabuti at matalino ang kaniyang pamamahala. Ang mamamayan sa Tagaytay ay hindi lamang minsang nagkaroon ng pagpipista dahil sa tinatamasa nilang masaganang kabuhayan. Lagging umaani sila ng saganang kape, abukado at iba’t-iba pang mga bungang kahoy. Isang araw ay pinulong ni Lakan Taal ang lahat ng kaniyang kabig sa lilim ng isang malagong punongkahoy sa kaparangan. - Mga minamahal na nasasakupan ko, - malakas na pahayag ng Makapangyarihan Lakan, - pinulong ko kayo ngayon upang sabihin sa inyo na mula sa araw na ito, ay ipinagbabawal ko sa kaninuman ang pag-akyat sa ituktok ng bundok na iyo., - at itinuro nito ang luntiang bundok na hindi kalayuan sa kanilang pinagpupulungan. Napatingin ang lahat sa itaas ng magandang bundok. - Tandaan niyong mabuti ang aking pagbabawal na ito, - pagwawakas pa ng makapangyarihang Lakan. Buong pagkakaisang sumang ayon naman ang madla at nagsipanumpang tatalimahin nila ang utos ng kanilang puno. Walang anu-ano ay bigla na lamang naglaho ang matandang puno, kaya’t nagtataka at nagsipanggilalas ang lahat. Mahigit na isang taon ang lumipas, nguni’t ang makapanyarihan si Lakan Taal ay hindi na nila nakita. Gayon man, sa loob ng panahong iyon, ang madla ay nabuhay nang mapayapa at masagana na gaya rin nang dati. Sa kasabikan ng marami na malaman kung ano ang hiwaga ng bundok na yaon, ay napagkaisahan nilang akyatin ang taluktok ng nasabing bundok. Gayon na lamang ang kanilang pagkamangha nang Makita nilang sa itaas pala ng bundok na yon ay may malaking guwang na punong-puno ng mahahalagang perlas, Esmeralda, brilyante at mga ginto. - Naku! Kaya pala ayaw ipaakyat sa atin ang itaas ng bundok na ito, - Anang isa sa kanila, - ay narito ang katakut-takot na kayamanan! - Oo nga, ano! – tugon ng isa pa. – Ang mabuti’y hakutin nating lahat Ang kayamanang iyan upang iuwi sa ating bayan - Subali’t nang anyong kukunin na nila ang mga kayamanang iyon ay Bigla na lamang nilang narinig ang malakas at makapangyarihang tinig ni Lakan-Taal na anya: - Sinuway ninyo ang aking utos! Nawa’y magkaroon ng lindol, ng kidlat, ng kulog at malakas na unos!... At Halos hindi pa natatapos ang pangungusap ng Lakan, ay biglang kumidlat sa kumulog! Bigla ring lumindol hanggang sa ang bundok ay magbuga ng tipak-tipak na apoy na ikinasawi ng mga masuwaying tauhan ni Lakan-Taal. Magbuhat noon, ang gayong pangyayari ay nagkasalin-salin sa bibg ng madla, hanggang mabuo ang paniniwala ng marami, na ang bundok na yaon na naging bulkan ay ari ni Lakan-Taal. Ngayon ay tinatawag ito na Bulkan ng Taal.